Inaprubahan na sa isang komite sa Senado ang isang panukala na magbibigay ng Philippine citizenship ni Ginebra resident import Justin Brownlee.

Ito matapos talakayin sa Senate Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Senador Francis Tolentino ang Senate Bill No. 1336 o Granting Philippine Citizenship to Justin Brownlee, na inihain ni Senador Ronald Dela Rosa.

Naghain din si Senador Sonny Angara, chairperson ng Samahan ng Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Senate Majority Leader Joel Villanueva na kahalintulad ng panukala na pareho ang layunin.

“The consideration of the Senate Bill 1336… at the committee level is hereby terminated and without objections coming from our colleagues, this hearing of the Senate committee on justice and human rights is hereby adjourned,” sabi ni Tolentino sa pagdinig.

Si Brownlee ay dalawang beses na naging Best Import sa Philippine Basketball Association (PBA) at nakaipon na ng limang kampeonato bilang import ng Barangay Ginebra Gin Kings.

Sa oras na aprubahan ang naturalization ni Brownlee, sasamahan nito ang Gilas Pilipinas sa Pebrero kung saan makikipagtuos sila sa Lebanon at Jordan sa FIBA World Cup Asian qualifiers. (Dindo Matining)

The post PH citizenship ni Justin Brownlee lusot sa Senate panel first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT