Lalo pang dumami ang mga Pinoy nurse na kumuha ng pagsusulit para makapagtrabaho sa Estados Unidos.

Mula Enero hanggang Setyembre umabot sa 12,399 ang bilang ng mga Pinoy nurse na kumuha ng US licensure examination, mas marami na sa 9,788 na kumuha nito sa buong taon ng 2021.

Ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Vice chairperson at Quezon City Rep. Marvin Rillo ang malaking suweldo ang pangunahing dahilan ng paghahangad na makapagttabaho sa Amerika.

“Superb pay is the biggest factor driving Filipino nurses to migrate to America. Our nurses also want to live and work in America because there is no language barrier, and they identify with the Western culture,” sabi ni Rillo.

Ang average na sahod ng nurse sa Amerika noong 2021 ay $77,600 (nasa P4.4 milyon) kada taon, ayon sa U.S. Department of Labor Bureau of Labor Statistics.

Upang mabawasan umano ang mga nurse na naghahangad na umalis ng bansa, inihain ni Rillo ang House Bill 5276 upang maitaas ang P36,619 minimum monthly pay ng nurse sa Pilipinas sa P63,997.

Batay sa datos na nakuha ni Rillo sa U.S. National Council of State Boards of Nursing Inc., bukod sa mga Pilipino ay 2,751 nurse mula sa India ang kumuha rin ng US eligibility exam sa unang siyam na buwan ng taon, kasama ang 1,143 nurse mula sa South Korea, 914 nurse sa Puerto Rico, at 831 nurse sa Nigeria.

Ang mga nais na kumuha ng National Council Licensure Examination for Registered Nurse (NCLEX) ay kailangang magbayad ng $200 registration fee. (Billy Begas)

The post Pinoy nurse na gustong magtrabaho sa Amerika dumami first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT