Winakasan na ng Senado ang debate sa plenaryo ng panukalang P5.268 trilyong General Appropriations Bill (GAB) Biyernes ng umaga.

Sa huling araw ng interpelasyon, inaprubahan ng Senado ang pondo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na P9.7-billion; Department of Science and Technology (DOST) (P24.665 bilyon); National Commission on Senior Citizens (NCSC) (P193.343 milyon); Commission on Higher Education (CHED) (P35.463-bilyon); Department of Health (DOH) (P215.333 bilyon) at Congress of the Philippines (P26.154 bilyon).

Sisimulan ang committee at individual amendments ng GAB sa susunod na linggo.

Nauna nang nangako naman sina Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III at Deputy Minority leader Sen. Risa Hontiveros na ire-realign nila ang confidential and intelligence funds (CIFs) sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa period of amendments.

Dahil ‘certified as urgent’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2023 GAB, maaring aprubahan ng Senado ang budget measure sa pangalawa at pangatlong pagbasa.

Kasunod nito, ire-reconcile ng Senado at ng House of Representative ang ilang pagkakaiba sa kanilang bersyon ng 2023 budget sa bicameral conference committee.

Sabi ni Senate President Juan Miguel Migz’ Zubiri, target ng Senado na ratipikihan ang panukala bago matapos ang buwan ng Nobyembre at ipapasa sa unang linggo ng Disyembre.

Tiniyak din nito na walang mangyayaring ‘reenacted budget’ sa 2023. (Dindo Matining)

The post Senado tinapos debate sa P5.268 trilyon national budget first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT