Matapos ang tatlong pagdinig sa mga isyu sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), inihayag ni Senador Win Gatchalian na posibleng irekomenda nila ang total ban para dito.
Sabi ni Gatchalian, chairman ng komite, marami pang nabulgar sa kanilang ginawang huling pagdinig noong Miyerkoles tulad ng hindi tamang nakokolektang buwis sa POGO dahil sa kuwestiyonable ang kredibilidad ng 3rd party auditor.
Lumitaw aniya na mas malaki ang dinideklara ng POGO sa PAGCOR habang mababa sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya mali ang nakokolektang buwis dito.
“Na-establish din natin na ang mga POGO di nagde-declare ng tama sa BIR. Mas mataas ang declaration nila sa PAGCOR pero sa BIR ang baba. So yan ang tendency wag mag-declare ng tama,” sabi ni Gatchalian sa mga reporters matapos ang pagdinig.
Maging sina dating finance secretary Gary Teves at incumbent finance Secretary Benjamin Diokno ay naniniwalang dapat ng ipagbawal sa bansa ang POGO dahil nagiging hadlang ito sa pagpasok sa bansa ng foreign investors.
Samantala, hindi rin kumbinsido si Gatchalian sa iprinisintang roadmap ng PAGCOR, paano tutugunan ang mga problemang dinudulot sa ating lipunan ng POGO.
Tinawag ito ni Gatchalian na parang “toilet paper” lang at marami umano siyang nakita sa roadmap na hindi naman naisasakatuparan.
Sinabi pa niya na sa loob ng dalawang linggo ay maglalabas sila ng committee report sa usapin kung dapat bang panatilihin o ipagbawal na ang POGO. (Dindo Matining)
The post Total ban sa POGO posibleng irekomenda ng Senado first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento