Naitala nang probinsya ng Guimaras ang una nitong kaso ng African Swine Fever (ASF) nitong Biyernes, Disyembre 16.

Sa opisyal na pahayag ng Department of Agriculture (DA) Region 6, ang nakuhang mga “specimen” ng baboy sa Barangay Sawang, Buenavista town nitong Disyembre 15 ay positibo sa ASF.

Biyernes ng hapon naman ng magpatawag ng pulong si Gov. JC Rahman Nava kasama ang DA-6 upang mapag-usapan ang mga posibleng protocol at intervention para dito.

Kasama rin sina Vice Gov. John Edward Gando; ang mga myor ng Buenavista, Jordan, Nueva Valencia, San Lorenzo; at ng Sibunag towns; provincial agriculturist; provincial veterinary officer; at kanilang legal consultants.

Nagpalabas ng Executive Order No. 118-2022 si Nava na nagbabawal sa pagpasok at paglabas ng mga baboy at produktong mula sa baboy sa buong munisipalidad ng Buenavista.

Samantala, umapela naman ang DA-6 sa publiko na huwag mag-panic, bagkus sundin ang mga protocol na ibinaba sa lahat ng “ports of entry and animal checkpoints.” (Jan Terence)

The post ASF, naitala sa Guimaras first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT