Hinimok ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG) na ipagpatuloy ang pagdisiplina sa hanay na kapulisan sa bansa.

Ginawa ng senador ang panawagan sa gitna ng ulat ng muling pamamayagpag ng ‘ninja cops’ o mga pulis na sangkot sa iligal na droga.

“Trabaho po ng pamunuan ng PNP and of course, ang ating secretary of DILG na silipin, tingnan nang mabuti at disiplinahin ang kanilang hanay kung sakali mang totoo na bumalik ang ninja cops,” sabi ni Go.

Naniniwala ang senador na marami pa ring mga mapagkakatiwalaang mga pulis na ginagawa ang kanilang tungkulin ng tapat at may integridad.

“Disiplinahin po, mas alam po nila ang kanilang trabaho. Ako naman, naniniwala akong mas maraming pulis na matitino, maaayos magtatrabaho lalong-lalo na po noong panahon ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte, talagang disiplinado ang mga pulis,” saad ni Go.

“At hindi magiging successful ang kampanya ni (dating) pangulong Duterte na labanan po ang iligal na droga at kriminalidad kung hindi po sa tulong ng ating mga pulis. Ako po ay naniniwala na kaya nilang linisin ang sarili nilang hanay,” dagdag niya.

Noong Oktubre, napaulat ang pagdakip kay M/Sgt. Rodolfo Mayo Jr. ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEU) sa isang drug-bust operation na nagresulta sa pagkumpiska ng P6.7 bilyong halaga ng shabu. (Dindo Matining)

The post Bong Go: Marami pa ring matitinong pulis first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT