Nangakong magbubuhos ng puhunan sa Pilipinas ang kumpanyang Acciona sa larangan ng renewable energy at imprastruktura.

Ito ang tiniyak ng Chairman ng kumpanya na si Jose Manuel Entrecanales kay Pangulong Ferdinand Marcos jr. matapos ang kanilang pulong nitong Miyerkules, sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations-European Union (ASEAN-EU) Commemorative Summit sa Brussels, Belgium.

Ayon sa negosyante, tinitingnan nila ang Manila bilang sentro ng kanilang operasyon sa Southeast Asian region dahil kumportable aniya sila sa Pilipinas dahil sa pagiging business-friendly.

“To the extent of our possibilities… we are comfortable in your country. We find it welcoming and business-friendly, so we would like to make the Philippines one of our — if not our main hub for the Southeast Asia,” saad ni Entrecanales.

Nangako ang negosyante na magtatayo sila ng mga istruktura na naaayon at naaangkop sa sitwasyon sa kasalukuyang panahon na aniya ay mitigating, adapting, resilient at transformative.

Ikinagalak naman ni Pangulong Marcos Jr. ang commitment ng pinuno ng Acciona na aniya ay welcome development dahil ang pagsusulong ng renewable energy at imprastraktura ang isa sa mga adhikain ng kaniyang administrasyon.

“There is this move to renewables, so we have to adjust… we’ll have to increase our capacity for production.These are all relevant to the Philippines, and I hope that I’ll be able to see you there… your operations in these specific areas,” saad ng Pangulo.

Hindi na bago ang Acciona sa Pilipinas dahil ito ang pangunahing contractor at namuhunan ng $656 million sa second section ng railway line na nag-uugnay sa Malolos City sa Clark International Airport at siya ring contractor sa Cebu-Cordova Bridge na nag-uugnay sa Cebu City at Mactan Airport. (Aileen Taliping)

The post EU firm magbubuhos ng puhunan sa ‘Pinas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT