Kailangang magkaroon ng mas maigting na pagpapatupad ng sexuality education sa bansa para bumaba ang bilang ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No.13 na layong repasuhin ang saklaw at pagiging epektibo ng kasalukuyang polisiya ng Department of Education (DepEd) sa Comprehensive Sexuality Education (CSE).

Sa kabila ng pagkakaroon ng Department Order (D.O.) No. 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng CSE, pinuna ng UNFPA o United Nations Population Fund (UNFPA) ang matagal na integration nito sa K to 12 curriculum.

Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang ilan sa mga kakulangan sa pagpapatupad ng RH education, kabilang ang hindi sapat na manpower, pasilidad, pagsasanay, instructional materials at iba pa.

“Bagama’t may nakikita tayong pagbaba sa bilang ng mga maagang pagbubuntis, kailangang masuri pa rin natin kung paano natin tinuturuan ang ating mga kabataang kababaihan na iwasang malagay sa sitwasyon ng pagiging mga batang ina,” saad ni Gatchalian.

“Mahalagang mapigilan natin ang paglobo ng mga bilang ng maagang pagbubuntis sa mga kabataan, lalo na’t ang mga batang ina ay madalas hindi nakakatapos ng kanilang edukasyon at napagkakaitan ng magandang kinabukasan,” dagdag na pahayag ng mambabatas. (Dindo Matining)

The post Gatchalian: Pilipinas kailangan ng epektibong sexuality education first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT