Bibigyan ng gobyerno ng pabahay at scholarships ang pamilya ng mga Overseas Filipino Worker.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng mga OFW na dumalo sa Pamaskong Handog para sa pamilyang OFW sa MalacaƱang nitong Biyernes.

Ayon sa Pangulo, makakaasa ang pamilya ng mga OFW na mabibigyan ang mga ito ng pabahay at libreng pag-aaral ng mga anak bilang pagkilala sa sakripisyong ginagawa ng kanilang mga mahal sa buhay na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Hindi lamang aniya ang mga OFW ang tinitingnan ang kapakanan kundi pati na rin ang pamilyang naiwan ng mga ito sa bansa.

“Hindi lamang natin tinitingnan ang mismong mga OFW, ang mismong mga nagtatrabaho sa abroad, kung hindi pati na ang inyong mga pamilya. At kasama na siguro diyan ay pinag-uusapan po natin ay ‘yung pabahay, ‘yung mga scholarship program, ‘yung mga iba’t ibang serbisyo at benepisyo na maibibigay natin dahil alam naman namin na kayo’y nagsasakripisyo at napakalaking bagay ng inyong — ng bunga ng inyong sakripisyo. Hindi lamang para sa inyong mga pamilya, hindi lamang para sa inyong mga komunidad, kung hindi para sa buong Pilipinas,” anang Pangulo.

Sa ilalim aniya ng Department of Migrant Workers (DMW), hindi lamang ang mga OFW ang inaalala ng gobyerno kundi pati na rin ang pamilyang naiwan ng mga ito sa bansa kaya nabuo ang mga nabanggit na konsepto.

Sinabi ng Pangulo na bagamat bago pa lamang ang DMW, aasahan aniyang umpisa na ito ng pagbibigay-serbisyo hindi lamang sa mga OFW kundi pati na sa mga pamilyang naiwan nila sa Pilipinas.

“Kaya’t siguro naman, sana naman ay inaasahan namin na kahit papaano dito sa pagsimula ng ating bagong konsepto, ng aming bagong polisiya dito sa ating mga migrant workers, ay maramdaman na kaagad ay sinimulan na natin dito sa pamimigay ng konting regalo. Hindi lamang ulit para sa OFW lamang, kung hindi para sa mga pamilya,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Gobyerno magbibigay ng pabahay, scholarship sa pamilya ng mga OFW first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT