Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukalang pag-isahin ang mga inisyatiba ng mga government financial institution (GFI) sa pagpapautang sa mga kumpanya upang makabangon ang mga ito mula sa epekto ng pandemya.

Ang panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act (House Bill 1) ay inaprubahan sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon Miyerkoles ng gabi.

Ang GUIDE bill ay isa sa priority legislative agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Sa ilalim ng panukala, ang mga loan assistance program, rediscounting at iba pang credit accommodation facility ng Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP), Small Business Corporation, at Agriculture Credit Policy Council ay palalawigin.

Ang LBP ang magbibigay ng pautang sa mga negosyo na may kinalaman sa agribusiness value chain, samantalang ang DBP ang magpapautang sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nagnenegosyo sa imprastraktura, service industry, at manufacturing.

Inaatasan ng panukala ang LBP at DBP na bumuo ng isang special holding company (SHC) upang maisalba ang mga kumpanyang nangangailangan ng tulong.

Mayroon namang mga kondisyon na ibibigay sa mga pauutanging kumpanya gaya ng pagbabawal na magtanggal ng partikular na dami ng empleyado, magbigay ng stock dividends ng walang pahintulot ng SHC, magtaas ng sahod o benepisyo ng mga senior executive officer ng kompanya, magbigay ng separation pay o retirement pay sa mga senior executive at iba pang labis na paggastos.

May kabuuang P20 bilyong pondo na inilaan para sa mga programa sa ilalim ng GUIDE. (Billy Begas)

The post GUIDE bill inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT