Kalat na sa bansa ang kaso ng Hand foot and mouth disease na kalimitang kumakapit sa mga bata.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Infectious Diseases Expert Dr. Rontgene Solante na nagsimula ang outbreak ng sakit noong Oktubre sa San Pascual Batangas at kumalat na sa ibang mga lugar.

Nagsimula aniya sa 105 na kaso ang hand foot and mouth disease na karamihan ay mga bata at nitong Nobyembre ay kumalat na rin sa Albay kung saan naitala ang 540 cases.

“Nag-start yung outbreak na ito noong October, ang affected ay mga bata at nitong Nobyembre ay sa Albay na nakitaan ng around 540 cases na ang tinamaan ay mg batang between 1 year old to 10 year old. Ibig sabihin medyo kalat na itong Hand foot and mouth disease at hindi natin masabi kung anytime mag-declare tayo ng outbreak especially kung maraming regions ang apektado nito,” saad ni Solante.

Maging sa Region 1 ay mayroon na ring mga kaso ng nabanggit na sa sakit at sa National Capital Region ay mayroon ring record na 155 na mga batang tinamaan nito, karamihan ay nasa edad sampu pababa.

Sinabi ni Solante na ang Hand foot and mouth disease ay isang infection mula sa virus na tumitira sa bituka ng isang infected na tao.

Binigyang-diin ng eksperto na walang bakuna sa Hand foot and mouth diseases at wala ring nabibiling over the counter na gamot kaya mahalagang mag-ingat sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay.

“Yung hand foot and mouth disease ay walang bakuna tayo dito. Ang pinaka-importanteng preventive method nito is maghugas ng kamay ang mga bata,” dagdag ni Solante.

Nakukuha aniya ito kapag nahawakan ang mga kontaminadong bagay gaya ng dumi ng taong may impeksyon nito, hindi naghugas ng kamay o respiratory secretions ng mga infected na tao at kapag nahawakan ang balat na may rashes ng isang may sakit nito.

Ang mga sintomas aniya ay lagnat, panghihina ng katawan at maaaring mauuwi sa komplikasyon sa utak partikular ang encephalitis o meningitis. (Aileen Taliping)

The post Hand foot and mouth disease kalat na sa bansa, walang bakuna first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT