Hinimok ni Senator Imee Marcos ang mga nagsusulong ng Maharlika Wealth Fund (MWF) na pagtuunang pansin muna ang agrikultura at nagtataasang presyo ng mga bilihin sa bansa.

Sinabi pa ng senadora na maiging inialis na ang GSIS at SSS sa mga pondong pagkukunan sana para sa MWF.

Matatandaang nitong nakaraan lang ay nagbigay ang senadora ng P5 milyong pondo sa munisipalidad ng Talavera para sa kanilang proyekto sa agrikultura. Nagbigay din siya ng 1,000 pieces ng Noche Buena packs na may mga gulay sa North Luzon.

Naniniwala si Imee na ang investment para sa MWF ay hindi dapat muna bigyan ng pansin sa panahon ngayon.

“Tutukan muna natin ang pagtaas ng presyo at kakulangan ng pagkain at ang hirap na dinadanas ng ating mga magsasaka,” aniya.

Nagbigay din pansin ang senadora sa usapin na may kinalaman sa irigasyon sa bansa.

“Ang problema natin sa irigasyon, mga bulok na ang Pantabangan, mga luma na, Magat lahat ‘yan lahat luma na at ang tatay ko pa ang nagpatayo eh siyempre pag nakadaan na ang 50 na taon, ang tawag diyan e talagang for replacement na,” saad ng senadora.

“Maraming marami tayong problema sa agrikultura kaya para sa akin, bago tayo sumabak diyan sa Maharlika (Wealth Fund), kung anu-anong investment sovereign ek-ek e pwede ba yung problemang pangkaraniwan na hinaharap natin araw-araw, yun muna tutukan natin,” dagdag pa niya.
(Jan Terence)

The post Imee Marcos: Bigyan pansin muna ang agrikultura imbes ang Maharlika Wealth Fund first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT