Magdo-doble kayod umano ang Kamara de Representantes sa susunod na taon upang maramdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang inaasahang pagganda ng ekonomiya.

Ginawa ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pahayag matapos na sabihin ni Finance Secretary Benjamin Diokno na maganda ang nakikita nitong hinaharap ng bansa sa mga darating na taon.

“This definitely inspires us to work double-time when we resume session next year, pushing us to legislate more laws needed to further boost the economy and improve the living condition of our people,” sabi ni Romualdez.

Sa kabila ng inaasahang mild global recession sa 2023, sinabi ni Diokno na nakikita nito ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas na magiging isa sa pinakamalakas sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Tinukoy ni Diokno ang siyam na dahilan ng kaniyang magandang projection at apat sa mga ito ay aksyon ng Kongreso gaya ng maagang pag-apruba sa 2023 national budget, pagpapatibay ng Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) for 2023-2028, ang mga polisiya na magpapapasok ng mga dayuhang mamumuhunan at ang pagpapalawig ng Build, Build, Build program katuwang ang private sector.

Nagpasalamat din si Romualdez sa kaniyang mga kapwa mambabatas sa maagap na aksyon sa mga panukala na kailangan ng Ehekutibo sa maayos na pagpapatakbo ng bansa.

Nangako si Romualdez na tututukan ng Kamara ang pagpasa ng 12 panukala na prayoridad na maipasa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na taon.

Ang mga panukalang ito na ginawang prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ay ang:

– The Enactment of an Enabling Law for the Natural Gas Industry,

– Amendments to the Electric Power Industry Reform Act (EPIRA),

– The Unified System of Separation, Retirement and Pension,

– The E-Governance Act and E-Government Act,

– The National Land Use Act,

– The National Defense Act,

– The National Government Rightsizing Program,

– The Budget Modernization Bill,

– The Department of Water Resources,

– Establishing the Negros Island Region,

– Magna Carta for Filipino Seafarers, at

– The Establishment of Regional Specialty Hospitals.

Bago ang Christmas break ay naaprubahan na ng Kamara ang 19 sa Common Legislative Agenda ng LEDAC. (Billy Begas)

The post Kamara doble kayod para maramdaman ng Pilipino magandang ekonomiya first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT