Umabot sa 1,105 kilometro ng mga kalsada ang natapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa loob ng apat na buwan.

Ito ang laman ng accomplishment report na isinumite ng DPWH sa Malacanang bilang pagtugon sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gumawa ng mga dekalidad at episyenteng istruktura, kasama na rito ang pagmantina at rehabilitasyon ng mga  kalsada sa buong bansa.

Ayon sa Office of the Press Secretary, kabilang sa mga malalaking proyektong nagawa ng DPWH ay ang Cavite-Laguna Expressway, NLEX-SLEX Connector Road, Central Luzon Link Expressway, Cagayan de Oro River Flood Management project, Samar-Pacific Coastal Road at ang Mindanao Growth Corridor Road Sector Project.

Kasama rin sa nagawa ng ahensya ay ang road network development projects sa Mindanao, Laguna-Lakeshore Road Network, Bataan-Cavite Interlink Bridge, Panguil Bay Bridge, Samal Island-Davao City Bridge at ang  Davao City Bypass Construction project.

Aktibo rin ang partisipasyon ng DPWH sa Integrated and Seamless Transport System Program gaya ng pagsasaayos sa Daang Maharlika at konstruksyon ng inter-island linkages at mega bridges, pati na ang pag-uugnay  sa national roads.

Isusunod naman ng DPWH ang paggawa at pag-upgrade ng access roads patungo sa mga tourism destination upang madaling mapuntahan at mabisita ng mga turista, pagsasaayos sa trade corridors, mga pantalan, airports at railway stations sa ilalim ng Rural Roads Convergence Program.

Kasama sa prayoridad ng ahensya ang pagbalangkas ng traffic decongestion program sa pamamagitan ng konstruksyon ng high-standard highways at expressways, bypasses, diversion roads, flyovers at interchanges na nakapaloob sa 8-point agenda ng Marcos administration. (Aileen Taliping)

The post Mahigit isang libong kilometro ng mga kalsada natapos ng DPWH sa loob ng apat na buwan first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT