Inireklamo ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang kabagalan ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng Naga Airport expansion project at Philippine National Railways South Long Haul (PNR Bicol) project.
Sa deliberasyon ng Commission on Appointments (CA) sa appointment ni Transportation Secretary Jaime Bautista, binigyan-diin ni Villafuerte ang kahalagahan ng proyekto para sa turismo at pagnenegosyo sa Bicol region.
Ayon kay Villafuerte noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay nagtabi na ng pondo para sa modernisasyon ng Naga airport subalit nabigo umano si dating DOTr Secretary Arthur Tugade na kunin ang tulong ng Solicitor General para matapos na ang expropriation ng mga pribadong lupa na daraanan ng itatayong runway.
“I fully support your nomination, Sec (Bautista), but I just have to put on record that the Naga Airport has been budgeted, approved by the NEDA (National Economic and Development Authority). It’s a flagship project. When (then-DOTr) Secretary (Arthur) Tugade assumed office (in 2016), that was the first thing I raised sa kanya, but unfortunately, 6 years has passed, walang nangyari,” sabi ni Villafuerte, ang majority leader ng CA.
Ayon kay Villafuerte maikli ang kasalukuyang runway ng Naga airport kaya hindi nakalalapag dito ang mga malalaking eroplano at kahit na ang mga maliliit ay nahaharap sa panganib na mag-overshoot sa runway.
Ang plano ay pahabain ang runway pero tinututulan ito ng mga may-ari ng lupa na madaraanan ng proyekto. Hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin umano ang kaso sa korte.
Sinabi naman ni Bautista na hiniling na ng DOTr ang tulong ng SolGen.
Umapela si Villafuerte na magtalaga ng tututok sa proyekto.
Samantala, sinabi naman ni Villafuerte na bagamat naging prayoridad ng Duterte administration ang PNR Bicol ay mabagal naman ang pag-usad nito.
Sinabi ni Villafuerte na inaprubahan na ng DOTr ang rerouting ng riles sa Camarines Sur na mas matipid kumpara sa unang plano na paalisin ang libu libong maapektuhan ng proyekto.
Ayon kay Bautista nasa P54 bilyon ang gagastusin ng gobyerno sa inisyal na plano samantalang P14 hanggang P15 bilyon lamang kung ililipat ang daraanan ng riles.
“Sa ngayon po, meron po kaming available fund na pambayad dito sa mga bibilhin nating lupa,” sabi ng kalihim. “Meron po tayong around P12 billion pambayad dito.”
Nasa apat na oras lamang ang magiging biyahe sa tren mula sa Maynila kapag natapos na ang 560-kilometrong PNR Bicol railway project. (Billy Begas)
The post Makupad na implementasyon ng Naga Airport expansion, Bicol railway projects inireklamo first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento