Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Public-Private Partnership (PPP) Act (House Bill 6527) na naglalayong bilisan ang proseso ng paggawa ng mga proyekto ng gobyerno.

Ang House Bill 6527 ay inaprubahan sa sesyon noong Lunes. Bumoto ang 254 kongresista pabor sa panukala at tatlo naman ang tumutol.

Sa ilalim ng panukala ay maaari ng pumasok ang mga lokal na pamahalaan sa PPP para sa mga proyekto sa kanilang hurisdiksyon.

Ang mga PPP projects ng national government na nagkakahalaga ng hanggang P5 bilyon ay daraan sa PPP Center.

Ang mahigit naman sa P5 bilyon ay kailangang aprubahan ng NEDA Board matapos irekomenda ng Investment Coordination Commission ng NEDA.

Maliban sa Korte Suprema, wala ring korte ang maaaring magpalabas ng temporary restraining order (TRO) at preliminary mandatory injunctions sa mga PPP project maliban na lamang kung mayroong constitutional issue gaya ng grave injustice at irreparable injury.

Magkakaroon din ng polisiya para sa contract disclosure at ang lahat ng PPP projects ay maaaring buksan ng Commission on Audit. (Billy Begas)

The post Panukalang batas kaugnay ng PPP pasado na sa Kamara first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT