Inendorso ng House Committee on Labor and Employment at House Committee on Ways and Means ang panukala para sa bagong productivity incentives law.

Ang panukalang Enterprise Productivity Act (House Bill 6683) ay magbabasura sa Productivity Incentives Act of 1990 na naglalayong gawing inclusive ang paglago ng produksyon.

Sa ilalim ng panukala, ang mga kumpanya na hindi bababa sa 10 empleyado ay kailangang magtayo ng productivity incentives committee na bubuohin ng mga kinatawan ng management at labor.

Ang naturang komite ang babalangkas ng productivity incentives program at siyang aayos sa mga magiging problema sa pagpapatupad nito.

Ang mga kumpanya na magkakaroon ng Productivity Incentives Program ay bibigyan ng special deduction sa kanilang taxable gross income na kasing halaga ng 50% ng productivity incentive na kanilang ibinigay sa mga empleyado at gastos sa pagsasanay at pag-aaral ng kanilang mga empleyado na magiging mahalaga sa pagpapataas ng kanilang produksyon.

Ayon sa panukala, ang sinumang gagamit ng special provision kahit na wala namang ibinigay na insentibo sa mga empleyado ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang isang taon at/o pagmumultahin ng P20,000 hanggang P50,000. (Billy Begas)

The post Panukalang incentive sa mga productive na empleyado umusad first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT