Ipinadala ni House Committee on Labor and Employment chairperson Fidel Nograles sa subcommittee ang mga panukala na may kaugnayan sa minimum wage ng pribadong sektor.

Ayon kay Nograles, tatrabahuhin ng komite ang mga panukala na itaas ang minimum wage at ang mga panukala kung sino ang dapat na magtakda nito.

“Congress recognizes the clamor for an increase in minimum wage to help our fellow Filipinos cope with the rising cost of goods,” sabi ni Rizal Rep. Nograles.

Ang sub-committee ay co-chaired nina Quezon City Rep. Keith Micah Tan at Caloocan Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy. Ang mga miyembro ay sina Gabriela Rep. Arlene Brosas, Albay Rep. Edcel Lagman, Bulacan Rep. Linabelle Ruth Villarica, Occidental Mindoro Rep. Leody Tarriela, at Quezon City Rep. Ralph Wendel Tulfo.

“Everyone is aware that this is an urgent issue that requires immediate action. Makakaasa po ang mga kababayan natin na hindi magpapabaya ang buong komite, at maging ang buong Kongreso sa pagtalakay kung ano ang pinakamainam na solusyon sa kanilang panawagan,” sabi ni Nograles.

Mayroong pitong panukala na ipinadala sa subcommittee.

Ang House Bill 525 na akda ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo at HB 4471 ni Bukidnon Rep. Jose Ma. Zubiri Jr. na naglalayong itaas sa P750 ang minimum na sahod.

Ang HB 514 na akda ni Cavite Rep. Ramon Jolo Revilla III na nagtataas ng P150 sa arawang minimum wage.

At ang HB 1111 ni Pangasinan Rep. Ramon Guico Jr; HB No. 3308 ni Camarines Norte Rep. Josefina Tallado; HB 4898 na inihain ng Makabayan bloc, at HB 1579 ni Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez na nagtatayo ng National Wages and Productivity Commission na siyang magtatakda ng minimum na sahod sa buong bansa. (Billy Begas)

The post Panukalang itaas ang minimum wage tinatrabaho sa Kamara first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT