Halos patapos na ang pananalasa ng BQ Covid variant sa bansa batay sa datos na nakalap ng OCTA Research.

Sinabi sa Laging Handa ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na bumababa na ang positivity rate sa Metro Manila mula 14% to 13.9% at nagsisimula na ring bumaba ang kaso sa halos lahat ng probinsya sa bansa, maliban sa Bataan, Zambales, Laguna at Misamis Oriental.

“I think patapos na yung wave, ito yung BQ variant. Although may possibility na magkaroon ng pagtaas sa ibang provinces na hindi pa napasukan ng BQ pero we think na lumalakas na ulit yung ating wall of immunity,” saad ni David.

Bukod dito, nagpapatuloy aniya ang vaccination ng gobyerno kaya mayroong dagdag na proteksyon ang mga tao at ang patuloy na paggamit ng face mask kahit optional na lamang ang paggamit nito.

Umaasa ang OCTA Research na gaganda na ang sitwasyon sa COVID-19 sa mga huling linggo ng Disyembre hanggang sa pagpasok ng bagong taon at malaking bagay aniya na alam na ng mga tao at ng gobyerno kung ano ang gagawin sakaling mayroong bagong variant na papasok sa bansa.

“Looks like maganda yung outlook natin for the coming weeks and for early next year. Sana naman huwag na magkaroon ng pagtaas ulit pero hindi na kinakatakutan because we know how to manage the waves at kung may dumating man na bagong variant at more or less alam na natin kung ano yung dapat nating gawin,” dagdag ni David. (Aileen Taliping)

The post Patapos na ang BQ wave, COVID-19 pababa na – OCTA Research first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT