Desidido si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matupad ang adhikaing wala ng mga Pilipino na mapipilitang mag-abroad dahil sa kawalan ng oportunidad sa bansa.

Sa kaniyang pagsasalita sa Filipino Community sa Brussels, Belgium nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na pangarap ng kaniyang administrasyon na mabigyan ng trabaho ang lahat ng mga Pilipino upang hindi na mapilitang mangibang-bansa para lamang makapagtrabaho.

Kaya aniya nagsisikap ang kaniyang administrasyon na manghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan upang mas maraming trabaho ang maibibigay sa mga Pilipino.

“Kaya’t sana naman dumating ang panahon, at ito ang ating pangarap na wala ng kailangan umalis ng Pilipinas dahil walang mahanap na trabaho sa Pilipinas. Aabutin din natin ‘yan,” saad ng Pangulo.

Umaasa ang Presidente na darating ang panahon na kung mayroon mang mangingibang-bansa para magtrabaho ay dahil sa mas magandang oportunidad at hindi dahil napilitan na lamang.

Pero nasa mga tao pa rin aniya ang pagpapasya kung ano ang pipiliin para na rin sa kanilang professional growth at pag-unlad.

“Ang sinasabi namin na ang pagpunta ng Pilipino mag-abroad para mag-trabaho ay hindi dahil napilitan. Ang pagpunta ng Pinoy sa — sana darating ang araw na ang pagpunta ng Pilipino sa abroad ay dahil may mas magandang pwesto lang, hindi dahil napilitan. But if you still decide to go abroad, it is of course a free choice; it will be because your expertise is needed, because — for your own professional growth or development,” dagdag ng Pangulo.

Dahil dito aniya ay nabuo ng kaniyang administrasyon ang 8-point program na layuning palakasin ang ekonomiya at gumawa ng maraming trabaho na angkop sa pandaigdigang labor standards.

Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na ang kailangan lamang ay magkaisa ang sambayanan at suportahan ang mga ginagawa ng administrasyon upang makamit ang pangarap para sa mga Pilipino.

“I’m aware that Filipinos primarily venture abroad because of the lack of opportunities back home. With the new socio-economic agenda, we will strengthen our economic institutions and create more jobs that are both sustainable and in line with labor standards worldwide. We’ll provide more equal and sustained access to local markets so that those who wish to engage in business will be amply supported,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post PBBM pangarap na wala ng Pinoy na mapilitang mag-abroad dahil sa kawalan ng oportunidad sa ‘Pinas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT