Personal na pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino sa Belgium at nasa ibang mga bansa sa Europe sa suportang ibinigay sa kaniya noong panahon ng eleksyon.

Sa kaniyang talumpati sa Filipino community sa Brussels, sinabi ng Pangulo na lubos itong nagpapasalamat sa pakikiisa sa 31 milyong bumoto sa kaniya na naging daan para maluklok ito sa puwesto.

“Nais ko rin ipabatid sa inyo ang aking taus-pusong pasasalamat sa pakiisa ninyo sa mahigit 31 milyong Pilipino, hindi lamang sa Pilipinas kung ‘di na rin mula sa iba’t ibang panig ng daigdig na nagkaloob ng kanilang tiwala at nagbigay sa akin ng mandato upang paglingkuran kayo sa susunod na anim na taon,” saad ng Pangulo.

Nangako ang Presidente sa mga Pinoy sa Belgium na susuklian nito ang tiwalang ibinigay sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapaganda at pagpapahusay sa buhay ng mga Pilipino .

Sinabi ng Pangulo na kaya siya bumibiyahe sa iba’t ibang bansa ay upang makahikayat ng maraming investors para mamuhunan sa bansa na magbibigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino.

“Kaya’t ang isusukli ko na lang sa inyo, namin lahat na binigyan ninyo ng suporta nung nakaraang halalan, at ang maisusukli ko lang sa inyo na ipagpatuloy natin ay ipapaganda natin nang husto ang buhay ng bawat ng Pilipino at ng Pilipinas,” dagdag ng Pangulo.

Pinasalamatan din ng Presidente ang mga Pilipinong bumiyahe pa mula sa iba’t ibang bansa para lamang makita ito sa Brussels at makasama sa pulong ng Filipino community gaya ng mga Pinoy mula sa Luxembourg, Netherlands, France, Germany. France, Germany, Switzerland, Italy at Poland.

“Lubos kong ikinakagalak makita ko kayong lahat at maranasan ang inyong mainit at masiglang pagsalubong sa amin dito sa Belgium,” wika ng Pangulo.(Aileen Taliping)

The post PBBM pinasalamatan ang mga OFW sa Belgium sa suportang ibinigay noong eleksyon first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT