Pumalag si Leyte Rep. Richard Gomez sa pagpasa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan ng information campaign para sa implementasyon ng SIM card registration law.
Ipinaalala ni Gomez sa DILG na ang Department of Information and Communication Technology (DICT) ang pangunahing magpapatupad ng SIM Registration Act (Republic Act 11934).
“Marami na pong trabahong inaasikaso ang ating mga LGUs. Pangunahin po rito ang unahin ang mga pangangailangan ng kanilang mga constituents. Ang SIM card registration po ay trabaho ng DICT at ng telcos. Hayaan na po nating sila ang gumawa ng kanilang trabaho,” sabi ni Gomez.
Noong Lunes, sinabi ng DILG na ang mga LGU ay mayroong responsibilidad sa pagpapaalam sa kanilang nasasakupan na dapat magrehistro ng SIM card at kung saan ito maaaring gawin.
“It is the responsibility of the DICT and the telecommunication companies (telcos) to implement the registration of SIM cards, including informing the public the WHYs and the DOs. Why give the burden of letting the public know about the pros and cons of the measures, and the registration methods, to the LGUs when these already have so much task at hand?” tanong ni Gomez.
Ipinunto ni Gomez na ang mga telco ang kumikita ng milyon-milyon kada araw sa kanilang mga mobile phone users at mas mayaman kumpara sa maraming LGU.
“They should take care of their own business and their own problems because their profit are all theirs to keep and enjoy,” giit pa ni Gomez.
Ipinaalala ni Gomez na marami ng trabaho ang LGU gaya ng pagharap sa banta ng COVID-19, pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo at pagpapatupad ng mga lokal na polisiya sa kanilang nasasakupan lalo na ngayong maluwag na ang paggalaw ng publiko. (Billy Begas)
The post Richard Gomez pumalag sa pagpasa sa LGU ng info drive para sa SIM Registration first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento