Makakasiguro na ang gobyerno ng multi-bilyong pisong pamumuhunan sa Pilipinas mula sa kumpanyang Unilever para sa kanilang automation at digitalization operations sa Pilipinas.

Ito ay matapos mag-commit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P4.7 billion investment ang mga opisyal ng Unilever sa pangunguna ng kanilang Presidente na si Matt Close sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations-European Union (ASEAN-EU) Commemorative Summit sa Brussels, Belgium nitong Miyerkoles.

Ayon sa mga opisyal ng Unilever, magagaling ang mga Pilipino sa automation at digital transformation kaya ipagpapatuloy nila ang kanilang operasyon sa Pilipinas.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos Jr. ang kumpanya dahil sa kabila ng mga pinagdaanang pagsubok ay nagpapatuloy pa rin sa kanilang operasyon sa Pilipinas.

Naniniwala ang Presidente na ang pananatili ng mga dayuhang kumpanya sa Pilipinas ay dahil sa mga polisiyang ipinatutupad ngayon ng kaniyang administrasyon sa pagnenegosyo na sinimulan ng kaniyang sinundang administrasyon.

“I think that we have a good opportunity with some of the policy measures that have been taken from the previous administration and some of the policy changes that we have made at the beginning of this administration,” saad ng Pangulo.

Kabilang sa mga polisiyang nagustuhan ng mga dayuhang investor ay ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law na nagbibigay ng insentibo sa mga negosyante.

Isa pa rito ang pagluluwag sa foreign ownership lalo na sa mga renewable sources na dati ay itinakda sa 40% ownership.

Sinabi ni Pangulong Marcos na pinapalakas ng kaniyang administrasyon ang matatag na partnerships partikular sa public-private partnerships (PPPs), joint ventures at iba pa upang mapalakas ang paghikayat ng mga dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas. (Aileen Taliping)

The post Unilever bilib sa mga Pinoy, maglalagak ng P4.7B na puhunan sa ‘Pinas first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT