Inabswelto ng korte sa Las Piñas ang anak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa kinasangkutan nitong kaso na may kinalaman sa iligal na droga.

Base ito kay Atty. Pearlito Campanilla, abogado ni Juanito Jose Remulla III. Nalinis si Remulla sa kasong possession of illegal drugs.

Aniya, in-acquit ni Las Piñas Regional Trial Court Judge Ricardo Moldez II ang kanyang kliyente dahil sa isyu sa chain of custody.

Nakapangalan umano ang package para kay ‘Juanito Remulla’ at hindi kay Juanito Jose Remulla III.

Matatandaan na nadakip si Juanito noong October 11, 2022 matapos umano nitong tumanggap ng kush o high-grade marijuana na nagkakahalaga ng lampas P1 milyong piso.

Naghain naman ng not guilty plea ang anak ng Justice Secretary sa arraignment para sa kaso nito noong Nobyembre.

Ayon naman sa abogado ni Juanito Jose Remulla III, kaya mabilis ang naging desisyon sa kaso nito ay dahil sinunod lang ng korte ang trial guideline para sa mga drug case.

May nakabinbin pang kaso si Remulla ukol naman sa importation ng illegal drugs. (RP)

The post Anak ni Remulla, abswelto sa drug possession case first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT