Hinikayat ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules ang masusing pagsisiyasat sa mga opisyal ng Bureau of Immigration para matukoy na kung sino ang maaaring ginagawang contact ng Chinese mafia sa loob ng ahensya.
Ayon kay Hontiveros, mukhang may koneksyon sa loob ng ahensya dahil sa patuloy na mga ulat ng outbound human trafficking ng mga Pilipino na pinilit na magtrabaho bilang mga scammer ng cryptocurrency.
Nanawagan din ang senadora na linisin ang hanay ng BI sa lalong madaling panahon upang matiyak ang proteksyon ng bawat Pilipinong umaalis sa ating bansa.
“Marami nang napabalitang sibak pero tuluy-tuloy pa rin ang pagre-recruit ng mga Pilipino para mangscam. May mga contact pa ba ang sindikato sa loob ng BI? Bakit hindi ito maampat?,” tanong ni Hontiveros.
“I had already urged a BI overhaul in the wake of the Pastillas scam investigation two years ago, pero parang walang nagbago. Sa dami ng mga nai-traffic na Pilipino na nasa Cambodia at Myanmar pa rin, ang BI, bilang ating huling linya ng depensa laban sa trafficking, ay malinaw na may shaping up na kailangan gawin. Kailangang i-regroup at ayusin ng BI ang kabuuan ng kanilang ahensya,” dagdag niya.
Sabi pa ni Hontiveros, dapat ding balikan ang Immigration Modernization bill para mapahusay ang operasyon ng BI, tulad ng pagsasaayos ng salary grade, pagbibigay ng immigration system updates, at iba pa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, isiniwalat ni alyas Ron*, isa sa mga Pinoy na na-traffic sa Cambodia, na pinilit siya ng kanyang mga amo na Tsino na mag-recruit ng ibang mga Pilipino para magtrabaho sa mga operasyon ng crypto scam.
Ibinunyag ni Ron na ang namumuno ng recruitment, na nagngangalang Rachel Almendra Luna, ay may mga contact sa mga opisyal ng imigrasyon sa Clark airport.
“Tahasang sinabi ni Rachel na nag-aabot sila sa Immigration Officer para makalabas yung mga Pilipino, pero hindi niya binigay ang mga pangalan ng mga contact nila sa immigration,” lahad ni Ron sa pagdinig.
Saad pa niya, ang lahat ng kanilang recruitment ay nangyayari sa Facebook groups. Magpo-post sila ng mga ad ng trabaho na nananawagan sa mga Pilipino na mag-aplay para sa isang customer service agent na trabaho sa Cambodia, na nangangako ng suweldo na hindi bababa sa $600 bawat buwan.
Pahayag pa ni Ron, pinadaan siya ng kanyang amo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) gamit ang pangalan ng ibang kumpanya, pekeng invitation letter, at iba pang papeles. Sa kabila ng mga maling dokumento, binigyan siya ng Overseas Employment Certificate.
“Hindi ba ang employment contract ay dapat i-verify at i-authenticate? Wala bang kahit anong screening to identify possible red flags? Maaari bang umarkila ang mga sindikato sa ilalim ng ilong ng gobyerno ng Pilipinas?” tanong ni Hontiveros sa pagdinig.
“Ito ay walang iba kundi isang nagbabadyang makataong krisis na ginagawa ng pinakamasamang sindikatong kriminal. Mga marahas na sindikato na binubusalan, tinatali at kinukuryente ang mga empleyado. Mga walang pakundangan kung manuhol. Wala tayong dapat itigil hangga’t hindi nakukulong ang mga kasabwat sa mga sindikatong ito. Anything short of this will only lead to more Filipinos being thrown to the wolves,” pagtatapos ng senadora. (Dindo Matining)
The post Chinese mafia may contact sa BI – Hontiveros first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento