Wala pang desisyon ang Department of Agriculture (DA) kung mag-aangkat ng sibuyas sa ibang bansa para mapababa ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan.

Sa harap ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng sibuyas sa mga palengke na umabot hanggang P800 nitong holiday season at ngayong mga unang araw ng 2023.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Agriculture Deputy Spokesman Rex Estoperez na binabalanse pa ng DA ang sitwasyon dahil ayaw aniya ng ahensya na masaktan ang mga lokal na magsasaka ng sibuyas.

Ayaw aniya ng ahensya na maging band-aid solution lamang ang pag-aangkat ng sibuyas kaya mahigpit na pinag-aaralan pa kung ilalarga o hindi ang importasyon nito.

“Iyong pagtaas ng presyo na ito, ang gagawin na lang siguro natin, isa lang po, which is a palliative, or iyong sinasabing short term solution which is importation of the commodity; pero iyan, nag-iingat tayong gawin iyan, dahil nga po para maprotektahan, binabalanse natin,” saad ni Estoperez.

Mataas rin aniya ang farm gate price ng sibuyas na nasa tatlong daang piso kaya pagdating sa Metro Manila at sa mga palengke ay mataas na ang presyo nito kada kilo.

Sinabi ni Estoperez na ia-asses nila sa susunod na buwan kung saan nagkakaroon ng pagkukulang para malaman kung ano ang dapat gawin para mapababa ang presyo ng sibuyas sa bansa.

“Sabi nga ng atin pong Undersecretary Sombilla, binabalanse iyong produksiyon at iyong atin pong pag-import, baka masaktan iyong atin pong mga magsasaka naman to the detriment of their production, samantalang pinoprotektahan natin iyong consumers – so, kailangan balansehin po natin iyan,” dagdag ni Estoperez.

Batay sa pagtaya ng Bureau of Plant Industry, may 19,000 metric tons ng mga bagong ani ng sibuyas na papasok sa mga palengke na inaasahang magpababa sa presyo nito.

Gayunman, kung hindi pa rin aniya bababa ang farm gate prices kahit may suplay na ang mga lokal na magsasaka ay baka mapilitan silang mag-import para mapababa ang mataas na presyo ng sibuyas.

“Pero, it seems kung ganito pa rin ang sitwasyon na ang gate prices ay hindi pa rin bumababa ay mukhang mapipilitan po tayo, kahit sabihin nating nag-iingat tayo, na gamitin po iyong band-aid solution na pag-import po,” wika ni Estoperez. (Aileen Taliping)

The post DA bantulot na umangkat ng sibuyas sa ibang bansa first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT