Patay ang isang 18-anyos na babaeng estudyante na bibili lamang ng almusal nang masagasaan ng isang pampasaherong jeep sa Maharlika highway, Brgy. San Juan, Sto. Tomas City, Batangas, Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Andrea Mae Hernandez, residente ng naturang barangay.

Ayon sa report ng Sto Tomas police, nasa gilid ng kalsada ang biktima at bumibili ng pagkain nang bigla na lamang itong salpukin ng rumaragasang jeep dakong alas-6:20 ng umaga.

Nagtamo ito ng mga grabeng pinsala sa katawan at unang isinugod sa ospital sa San pablo City.

Inilipat pa ito sa ospital sa Batangas City subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Ayon sa driver ng nakasagasang jeep na si Jeoffrey Vargas Jr, 46-anyos, nawalan siya ng kontrol sa manibela kaya hindi sinasadyang naararo nito ang balikat kung saan nakatayo ang dalaga.

Inaresto ito ng Sto. Tomas City police at sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide. (RP)

The post Dalagang bibili lang ng almusal, nasagasaan ng jeep first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT