Inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista na walang contractual obligation ang Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na i-refund ang mga pasaherong apektado ng ilang oras na shutdown sa Philippine airspace dulot ng aberya sa power supply noong Bagong Taon.

Sa panayam sa DZBB, sinabi rin ni Bautista na dapat pag-aralan nang mabuti ang legalidad ng pagbabayad sa mga apektadong pasahero.

Sinabi ito ng Transportation chief matapos manawagan kamakailan si Albay Rep. Joey Salceda sa gobyerno, partikular na sa CAAP, na i-compensate o bayaran ang libo-libong pasahero na ini-hold ang flight dahil sa pagkawala ng kuryente sa air traffic management system ng bansa.

“Dapat pag-aralan natin ang legality nito ano. Unang-una, ‘yung CAAP at saka DOTr wala kaming arrangement with the passengers, hindi katulad ng airlines. Bumili sila ng ticket, merong obligation ang mga airline na ilipad sila o i-refund ang kanilang pamasahe kapag hindi naka-refund,” pahayag ni Bautista. (IS)

The post DOTr, CAAP walang obligasyong bayaran mga pasahero – Transportation chief first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT