Nababahala si Senator Joseph Victor Ejercito sa seguridad ng Pilipinas kasunod nang power outage na nagresulta sa pagkasira ng operasyon ng flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“Itong nangyari nakakabahala. Hindi dahil ekonomiya natin ang naapektuhan dito, hindi lang ‘yung inconvenience pero ‘yung safety ng ating mga pasahero ng commercial flight,” sabi ni Ejercito sa panayam sa DZBB.

“More importantly yung national security. It’s a matter of national security. Kumbaga for several hours blind tayo. Hindi natin alam kung may pumapasok na mga eroplano sa atin o hindi. So ito ay hindi dapat nangyayari,” dagdag niya.

Sa unang araw ng taon, 282 flights ang nakansela, nalipat at naantala matapos ihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagkaroon ng technical issue sa Air Traffic Management Center (ATMC).

Bilang isponsor sa pondo ng Department of Transportation (DOTr) sa mga nagdaang taon, ipinagtataka ni Ejercito kung bakit hindi napaganda ang sistema sa iba’t ibang paliparan sa na bansa.

“Yun ang pinagtataka ko bakit itong mismong air traffic management system ay napabayaan. Tingin ko may negligence nang kaunti kaya talagang dapat may managot,” sambit pa niya.

Si Ejercito, vice chairman ng Senate public services committee, ay isa sa mga senador na gusto paimbestigahan ang nangyaring krisis sa NAIA.

Una nang ikinunsidera ni Ejercito na baka isang uri ng pananabotahe ang nangyaring insidente sa NAIA.

“Sabi ko nung una baka sabotahe ito dahil dapat ito may backup na system , ‘yung traffic management system dapat nga may backup kasi safety nga ang concern nito,” saad pa ng senador. (Dindo Matining)

The post Ejercito: Kailangan may managot sa aberya sa NAIA air traffic system first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT