Pinalagan ng Gabriela Women’s Party, isang progresibong grupo ng kababaihan sa bansa, ang atake umano sa kanila ng National Task Force to End Local Communist Conflict (NTF-ELCAC). 

Ngayong araw, dininig ng Commission on Elections ang kasong “harassment” ng NTF-ELCAC laban sa grupo ng kababaihan. 

Tinitingnan umano ito ng Gabriela bilang isa na namang atake sa kanilang karapatan. 

“It is ironic that the NTF-ELCAC is pushing for the cancellation of Gabriela Women’s Party, one of the main authors of many pro-worker bills, while the International Labour Organization conducts it’s high-level tripartite mission to investigate the country’s compliance with Convention 87, or the Freedom of Association convention,” pahayag ni Gabriela Women’s Party Secretary General KJ Catequista. 

“Pinapatunayan lamang ng NTF-ELCAC na ang tunay na layunin nito sa pagsasampa ng kaso sa atin ay upang lalong gipitin ang mamamayan, lalo na ang mga manggagawa at kababaihan na biktima rin ng red-tagging ng ahensyang ito,” dagdag pa niya. 

Ayon sa Gabriela, sunud-sunod ang red-tagging ng NTF-ELCAC sa mga lider ng unyon mula sa Nexperia Philippines, Ebara Benguet, Technol Eight, at Gardenia Bakeries. 

Ang mga lider ng mga unyon ay pawang isinusulong at ipinaglalaban lamang umano ang kanilang karapatan bilang mga manggagawa. 

“Tila sirang plaka na ang NTF-ELCAC sa paulit-ulit na pag-iimbento ng mga ebidensya kuno laban sa Gabriela Women’s Party, gayong alam naman ng taumbayan na sa loob ng halos 23 taon, isinulong natin ang interes ng kababaihan, manggagawa, at mamamayan,” saad ni Castequista. 

Kilala ang Gabriela Women’s Party sa pagsusulong ng kalayan at mga karapatan ng kababaihan at bata sa bansa. 

(Jan Terence) 

The post Gabriela, pumalag sa ‘atake’ ng NTF-ELCAC  first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT