Halos anim sa sampung Pilipino ay naniniwala na ang presensya ng Philippine Offshore Gaming Operators o mga POGO ay nakakapinsala sa bansa, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Ito ay batay isinagawang survey ng Pulse Asia mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1 noong nakaraang taon.
Sa tanong na kung ang mga POGO ay kapaki-pakinabang o nakakapinsala sa bansa, 58% ng mga respondent ang nagsabing sa tingin nila ay nakakasama ang operasyon ng mga POGO sa bansa.
Ayon sa survey 61% ng mga respondent mula sa National Capital Region (NCR), 55% sa Luzon, 53% sa Visayas at 67% sa Mindanao ang naniniwalang nakakasama ang POGO operations sa bansa.
Kung pagbabasehan ang social class, gayundin ang pakiramdam ng 70% ng mga respondent sa ABC class, 58% sa D class at 44% sa E class.
Binanggit nila ang mga dahilan kung bakit sila naniniwalang ang industriya ng POGO ay nakakapinsala sa bansa: paglaganap ng mga bisyo na binanggit ng kabuuang 67% bilang pangunahing dahilan; pagtaas ng insidente ng krimen na may kaugnayan sa POGO na kinasasangkutan ng mga Chinese national na may 57%; tax evasion ng POGOs, 43%; pagtaas ng bilang ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga POGO, na may 43% din; walang karagdagang oportunidad na ibinigay sa mga Pilipino, na may 33% at pagtaas ng halaga ng upa, tirahan o mga ari-arian ng negosyo na may 22%.
“Ang resulta ng survey ay isang mahalagang bahagi ng data na aming isinasaalang-alang dahil ang data ay kumakatawan sa mga sentimyento ng ating mga kababayan at nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa isyung ito,” ayon kay Gatchalian.
Samantala, 19% lamang ng mga respondents ang nagsabing ang mga POGO ay kapaki-pakinabang. Kapansin-pansin na 12% lamang ng mga respondent sa NCR, kung saan malaki ang bilang ng mga POGO, ang nagsabing ang industriya ay kapaki-pakinabang sa bansa, habang 20% ng mga respondent sa Luzon, 26% sa Visayas at 17% sa Mindanao ay nagpahayag ng parehong pananaw.
Base naman sa social class, sa 19% ng kabuuang respondent na nagsabing ang mga POGO ay kapaki-pakinabang, 10% sa kanila ay mula sa ABC class, 20% sa D class at 27% sa E class. (Dindo Matining)
The post Gatchalian: 6 sa 10 Pinoy naniniwalang nakakaperwisyo ang POGO first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento