Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na magpatupad ng mga learning recovery program na tutugon sa pinsalang dinulot ng COVID-19 pandemic tulad ng kawalan ng face-to-face classes.
Bagama’t mahalagang hakbang tungo sa pagbabalik-normal ng sektor ng edukasyon ang limang araw na face-to-face classes, nagbabala si Gatchalian na magkakaroon lalo ng dagok sa ekonomiya ang kabiguan sa pagtugon sa learning loss.
Tinataya ng World Bank na bababa sa anim na taon mula 7.5 taon ang learning adjusted years of schooling (LAYS). Ibig sabihin, magiging katumbas na lamang ng 6 o 7 taon ang 12 taon ng basic education dahil sa pandemya.
Batay naman sa revised estimates ng National Economic and Development Authority (NEDA), mawawala sa ekonomiya ng bansa ang P10.1 trilyong piso sa susunod na 40 taon dahil sa kawalan ng face-to-face classes.
Upang matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya, nagpanukala si Gatchalian ng isang national learning intervention program na kikilalanin bilang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program. Naka-detalye ang panukalang batas sa Senate Bill No. 1604 na si Gatchalian ang may akda.
Bahagi ng panukalang batas ang mga sistematikong tutorial sessions, learning remediation plans at resources, maayos na pagsuri sa kakayahan ng mga mag-aaral, at iba pa.
Bibigyang prayoridad ng ARAL Program ang pagbabasa at pagbibilang. Tututukan nito ang essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grades 1 hanggang 10, at Science para sa Grades 3 hanggang 10.
Tututukan din ng programa ang pagpapatatag sa numeracy at literacy skills ng mga mag-aaral sa Kindergarten.
“Bagama’t ang pagbabalik ng face-to-face classes ay mahalagang hakbang sa pagbabalik-normal ng ating sektor ng edukasyon, kailangan pa rin nating magpatupad ng mga programa upang tugunan ang mas malalim pang naging pinsala ng pandemya, lalo na sa kakayahan at kaalaman ng ating mga mag-aaral,” sabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education. (Dindo Matining)
The post Gatchalian: Ipagpatuloy ang pagsulong sa learning recovery first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento