Gatchalian: Online filing ng tax returns ng mga OFW palawigin
Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagpapalawak sa ibang bansa ng online filing ng tax returns o e-filing upang gawing mas madali at maginhawa para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na tuparin ang kanilang obligasyon kaugnay ng pagbabayad ng real estate tax, estate tax, at iba pa.
“Mapapadali ng electronic filing ang pagbabayad ng buwis ng mga hindi residente ng bansa o mga nagtatrabaho sa ibang bansa,” ayon kay Gatchalian.
Ang panukala ng senador ay isasama na aniya sa kanyang Senate Bill 1346 o ang Ease of Paying Tax, na nagpapakilala ng administrative tax reforms sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ilang probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997.Sa kasalukuyan, mayroon nang ginagamit na Electronic Filing and Payment System o eFPS ang Bureau of Internal Revenue o BIR na siyang pangunahing ahensya sa pagkolekta ng kita ng gobyerno.
Pero ang naturang sistema ay hindi pa nagagamit ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa datos ng BIR, 43 porsiyento lamang ng kabuuang bilang ng mga tax return ang inihain sa pamamagitan ng electronic o digital na paraan noong 2015, na tumaas noong 2020 hanggang 94 porsiyento sa kasagsagan ng pandemya.
“Para sa kapakanan ng ating mga taxpayers, kailangan nating gawing mas madali ang proseso ng pagpa-file at pagbabayad ng buwis dahil ito ang paraan para mapahusay ang pagkolekta ng buwis na kailangan ng bansa para mapalaki ang pondo ng gobyerno at suportahan ang mga programa nito,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee Ways and Means.
Maliban sa pagbibigay sa mga taxpayer ng opsyon na magbayad ng buwis o magfile ng kanilang returns sa pamamagitan ng electronic o digital na paraan, layon din ng panukalang batas na payagan ang pagbabayad ng mga buwis sa mga authorized agent bank (AAB) at hindi lamang limitado sa sinumang awtorisadong ahente ng bangko sa revenue district office kung saan nakarehistro ang taxpayer.
Layunin din ng panukala na gawing moderno ang pangangasiwa ng buwis gamit ang pinakabagong naaangkop na teknolohiya na naglalayong pag-ibayuhin ang pangongolekta ng buwis. (Dindo Matining) ‘
The post Gatchalian: Online filing ng tax returns ng mga OFW palawigin first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento