Bagama’t mayroong Executive Order (EO) No. 28 na nagbabawal sa mga paputok at iba pang pyrotechnic devices at operational guidelines mula sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa regulasyon at pagkontrol ng mga paputok sa merkado, binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian na hindi pa rin nawawala ang mga ulat ng aksidente na may kinalaman sa mga paputok sa nakaraang pagdiriwang ng New Year o panahon ng 2021-2022 yuletide season.

At kahit bumaba ang bilang ng firecracker-related injuries noong 2022 New Year’s eve celebration kumpara sa parehong panahon noong 2021, lumabas sa 2022 New Year firework-related injuries surveillance report ng DOH na ilan sa mga ipinagbabawal na paputok tulad ng Boga, 5-Star, at Piccolo ay nagdulot pa rin ng malaking bilang ng mga kaso ng napuputukan.

Karamihan pa sa mga biktima o nasugatan ay mga menor de edad at kabataan na may edad na 11 hanggang 30 ang may pinakamaraming kaso ng sugatan, sabi Gatchalian sa kanyang explanatory note ng Senate Bill No. 1144 o Firecrackers Prohibition Act of 2022.

“Mas masaya ang pagsalubong sa bagong taon kung walang hindi magagandang aksidenteng maaaring mangyari dulot ng pagpapaputok. Tayong mga pinoy ay sadyang malikhain kung kaya’t meron at merong ibang paraang para maitawid natin ang selebrasyon nang masaya at maingat,” sabi ng senador

“Nasaksihan na nating lahat na ang unregulated na paggamit ng mga paputok ay humahantong sa matinding pinsala sa mga tao, partikular na sa mga bata,” sambit pa niya.

Dagdag pa ni Gatchalian, ang paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic na materyales ay maaaring magdulot ng sunog sa mga komunidad at nagpapalala din ng polusyon sa hangin.

“Panahon na upang wakasan natin ang mga insidenteng ang sanhi ay paputok,” diin ng mambabatas.

Nakasaad sa panukala ni Gatchalian na anumang korporasyon o entity na nagbabalak na gumamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic device para sa kanilang fireworks display ay dapat mag-aplay ng isang special permit sa PNP-Fire and Explosives Office (PNP-FEO).

Bukod diyan, kapag nakakuha na ng special permit, papayagan lamang sila ng kanilang Local Government Unit (LGU) na magsagawa ng fireworks display sa piling mga lugar o designated areas at sa kondisyong ito ay isasagawa lamang ng mga propesyonal na may teknikal na kaalaman sa paggamit ng paputok. (Dindo Matining)

The post Gatchalian: Pagbebenta ng paputok, pyrotechnics ipagbawal first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT