Pinagbibitiw ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kasunod ng panibagong aberya na nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Chinese New Year.

“Out of delicadeza, they should resign,” pahayag ni Gatchalian sa mga reporter nitong Lunes.

Aniya, hindi katanggap-tanggap at nakakahiya ang panibagong airspace shutdown dahil dapat ay hindi na ito naulit.

“Two times in a span of three weeks happening in two new years incompetence nay un. Lightning can’t hit twice kung nangyari yan two times, incompetence yan,” sabi ni Gatchalian.

Ayon pa sa senador, panahon na rin aniya para tingnan ng Department of Transportation (DOTr) ang balasahan sa CAAP at ang liderato naman ng CAAP ay dapat na kusang magbitiw na sa posisyon at ipaubaya na ito sa iba.

“CAAP should look into revamping CAAP and CAAP should look into resigning. I think CAAP management should already do what is right which is to resign,” saad pa ng mambabatas.

Dagdag pa ni Gatchalian, hindi uubra ang katwiran ng CAAP na kaya may shutdown ay dahil sa maintenance na ginagawa sa UPS at mayroon aniyang proseso na tumitiyak sa tuloy-tuloy na pagtakbo ng operasyon kahit nagme-maintain ng pasilidad. (Dindo Matining)

The post Gatchalian sa mga opisyal ng CAAP: Mag-resign na kayo! first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT