Inihayag ni Senadora Risa Hontiveros na sangkot umano ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark airport sa outbound human trafficking ng mga Pinoy patungong Cambodia.
Nagbabayad umano ang mga recruiter ng P75,000 hanggang P100,000 sa mga immigration officer kada Pinoy na mapapalusot nito. Sabi ni Hontiveros, ang impormasyon ay mula sa isang ‘Miles’, na napadala sa Cambodia para magtrabaho bilang cryptocurrency scammer para sa isang Chinese mafia.
“Kung totoo, nakakalungkot na mismong mga empleyado ng gobyerno ang siyang nagpapahamak sa kapwa nating Pilipino. Our Senate inquiries on the Pastillas scam resulted in the indictment of a number of BI officials, but it seems there are still groups or individuals within the agency who will stop at nothing to make an easy buck,” saad ni Hontiveros.
Ibinahagi ni Miles na ilan sa mga kapwa biktima ng trafficking ay inutusan na mag-exit sa bansa mula sa Clark, Pampanga dahil ang ahente na nag-recruit sa kanila ay may kontak sa immigration sa naturang airport.
“Sa Clark, may escort po sila na immigration. May agent po doon na nagbubook ng ticket at may contact na po doon mismo sa immigration officer. Hindi na iniinterview, wala na rin documents na hinihingi basta tinatatakan na lang po diretso … Ituturo kung anong booth ka pipila, igaguide ka nila,” lahad ni Miles.
Ayon kay Hontiveros, iimbitahan nila ang mga immigration official gayundin ang airport terminal manager sa pagdining sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality para talakayin ang walang patid na kaso ng outbound human trafficking ng mga Pinoy.
“It is the duty of airport and immigration officers to be the last line of defense against the trafficking of our citizens. Sila ang makakapigil sa paglabas ng mga Pilipino papunta sa mga sindikato sa ibang bansa. Ang nangyayari, tila sila pa ang nagtutulak sa mga Pinoy na mapahamak,” sabi ni Hontiveros.
“Mananagot ang sinumang mga nakikipagkuntsaba sa mga illegal recruiter at mga sindikato para mambiktima ng Pilipino. Our Senate committee will spare no effort to ensure that accountability be established and justice served,” pagtatapos niya. (Dindo Matining)
The post Hontiveros: Mga opisyal ng BI sabit sa human trafficking ng mga Pinoy first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento