Ngayon pa lang ay dapat nang kumilos ang Department of Agriculture (DA) at solusyunan ang kakapusan sa suplay ng itlog dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.
“DA needs to step up and swiftly address the escalating egg prices on the market before it takes a turn for the worse not only in the egg industry but also for low-income households that rely on eggs as their cheapest protein source,” sabi ni Hontiveros.
Ang kakulangan at mataas na presyo ng itlog ay dahil sa bird flu outbreak sa Luzon at pagtaas sa presyo ng feeds ng mga manok. Ani Hontiveros, dapat gumawa ng alternatibong solusyon ang DA kesa mauwi na naman sa importasyon nito.
“Hindi gaya sa manok, baboy, asukal, mais, bigas at sibuyas, bulok na ang itlog bago pa dumating dito sa bansa. Kaya hindi na uubra ang easy way out na importation ng administrasyon kapag nagkukulang ng suplay at tumataas ang presyo ng mga bilihin,” saad ni Hontiveros.
Dapat din umanong paghandaan ng DA ang posibilidad na magkaroon ng avian influenza sa Batangas kung saan nagmumula ang karamihan ng itlog sa bansa.
“Dapat handa at may mabilis na mekanismo ang DA para sa distribution ng indemnification sa magmamanok para mabilis na maapula ang sakit at di na kumalat,” ayon kay Hontiveros.
“Huwag na sanang maulit ang nangyari sa mga hog raisers natin na dahil sa sobrang bagal na ayuda, di agad na-manage ang mga tinamaan ng swine flu at nakaabot pa ng palengke ang infected na karne para lang makabawi kahit kaunti sa kanilang puhunan,” dagdag pa niya.
Muling siyang nanawagan na dapat magtalaga na ng kuwalipikadong DA Secretary na magtratrabaho ng “full-time” para masolusyunan ang problema sa food supply.
“Sugar shortage pa lang ang isyu, panawagan ko na ang magtalaga ng DA Secretary na kayang ibigay ang 100 percent para sa mga problema sa kagawaran. Hindi natin kailangan ng part-time secretary dahil hindi nito matutugunan ang mga full time na problema na kinakaharap ng sektor,” saad ni Hontiveros. (Dindo Matining)
The post Hontiveros sa DA: Kilos, solusyunan agad krisis sa itlog first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento