Nadadamay umano sa panawagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na maghain ng courtesy resignation ang lahat ng heneral at full colonel ng Philippine National Police (PNP) kahit na ang mga opisyal na hindi nakikinabang sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.

Sa isang video na ipinost sa social media, sinabi ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves hindi mabuti para sa imahe ng PNP ang panawagan ng DILG.

“Hindi dapat nilalahat na pinapa-resign ang ating mga heneral at ating mga colonel, wag nating lahatin, na bahiran ng mantsa ang buong PNP. Kung meron mang iilan dyan na may kasalanan at may kagagawan na masama pangalanan nyo at kasuhan,” sabi ni Teves.

Iginiit ni Teves na dapat dumaan sa tamang proseso ang pag-alis sa mga pulis na sangkot sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.

“Hindi pwede yung shortcut,” dagdag pa ni Teves. “Ako ay nakikiusap na huwag nating bahiran ng mantsa ang ating kapulisan huwag natin silang lalahatin, panagutin ang may kasalanan pero huwag lalahatin at huwag idamay ang mga walang kasalanan.”

Nanawagan si DILG Secretary Benhur Abalos kamakailan sa lahat ng PNP generals at full colonel na maghain ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi umano ng paglilinis ng PNP. (Billy Begas)

The post ‘Huwag lahatin!’ Resign PNP generals, colonels inalmahan sa Kamara first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT