Tuloy ang libreng sakay ng EDSA Busway system at service contracting program ng gobyerno ngayong 2023.
Ito ang inanunsyo ni Department of Budget Secretary Amenah Pangandaman bilang pagpapatuloy ng programa ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay Pangandaman, naglaan ang gobyerno ng P1.285 bilyon upang pondohan ang libreng sakay at service contracting para mapakinabangan ng publiko.
“May pondo po ang Service Contracting Program sa ating FY 2023 GAA. Naglaan po ang pamahalaan ng Php1.285 billion para maipagpatuloy ang programang ito ngayong taon,” saad ni Pangandaman.
Mahalaga aniya ang libreng sakay sa publiko upang makatipid at mabawasan ang kanilang pasanin sa mataas na gastusin dahil sa inflation.
Sinabi ng kalihim na malaking tulong ang tipid-pamasahe sa araw-araw dahil sa halip na mapunta sa pamasahe ay maaari nilang magamit ang natipid sa pamasahe sa iba pang pangangailangan gaya ng pagkain, pambayad sa kuryente at matrikula ng mga estudyante.
“We understand the plight of our commuting public. And so President Bongbong Marcos gave us a directive to do our part, and to exert our best to help ease their burden. The Service Contracting Program, which funds Libreng Sakay is a big help,” dagdag ni Pangandaman.
Ang libreng sakay ay joint program ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang tulungan ang commuters na mapagaan ang gastusin sa harap ng mga nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Natapos ang libreng sakay program noong katapusan ng Disyembre 2022 at itutuloy ito ngayong 2023. (Aileen Taliping)
The post Libreng Sakay at Service Contracting, tuloy ngayong 2023 – DBM first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento