Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na bilisan ang rehabilitasyon ng mga napinsalang istruktura sa Misamis Occidental dahil sa malawakang pagbaha.

Sa situation briefing na ibinigay ng mga opisyal ng Misamis Occidental sa Pangulo, inireport nila ang mga napinsalang tulay at kalsada sa lalawigan dulot ng malawakang pagbaha.

Dahil dito, inatasan ng Pangulo ang DPWH na pag-aralan kung paano masolusyonan ang mga pagbaha sa Misamis Occidental.

Nais ng Presidente na matukoy ang dahilan ng pagbaha at magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno para malutas ang problema.

Iminungkahi rin ng Pangulo sa mga lokal na opisyal na humingi ng tulong sa Japan dahil sa malawak na karanasan nito sa pagbaha.

Ayon sa mga lokal na opisyal, dahil sa ilang linggong malakas na pag-ulan, nasira ang mga tulay , mga kalsada pati na ang flood control system sa lalawigan .

Kabuuang 76 na mga imprastruktura ang nasira dahil sa pagbaha na may kabuuang halaga na P132.14 million, kabilang na dito ang dalawang tulay sa Oroquieta City.

Umaabot naman sa P154.38 million ang naitalang halaga ng mga nasirang pananim sa Northern Mindanao. (Aileen Taliping)

The post Marcos pinararatsada rehab sa Misamis Occidental first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT