Tinalakay ng House Committee on Agriculture and Food ang mga misteryong bumabalot sa industriya ng sibuyas.

Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Marikina Rep. Stella Quimbo na batay sa datos ng Department of Agriculture (DA) mayroong 363,000 metriko toneladang demand at 338,000 metriko tonelada supply ng sibuyas noong 2022.

“So makikita natin the shortage is about only 7%. Hindi ko masyadong maintindihan kung bakit sobrang nag-skyrocket yung price given the modest shortage,” sabi ni Quimbo.

Hindi nakontento si Quimbo sa sagot ng mga opisyal ng DA dahil hindi matumbok ang dahilan ng pagtaas ng presyo.

“Pero you agree with me? That it doesn’t make sense kasi alam naman natin na prices are determined by supply and demand. So bakit ang modest ng shortage, 7%, pero ang tindi ng pagtaas ng presyo. So yun yung misteryo na talagang bilang isang ekonomista, hindi ko talaga maipaliwanag. Kaya napapa-isip talaga ako na may mga misteryo, may mga behind the scenes na talagang hindi po natin nakikita, kasama na po diyan ang kartel,” dagdag pa ni Quimbo.

Ayon kay Bureau of Plant Industry officer-in-charge Director Gerald Glenn Panganiban hindi rin alam ng DA kung ano ang dahilan at naglaho ang suplay.

“Mam opo, kahit po kami parang umiikot na po ang aming ano…. Mamaya magmo-monitor kami meron tapos bilang nawawala sa mga storage para pong ganun mam,” sabi ni Panganiban.

Ang ikalawa umanong misteryo ay ang pagkakaiba ng pangyayari noong 2019 at 2022 sa industriya ng sibuyas.

“Noong 2019 napakababa ng presyo ng onion that is why PCC (Philippine Competition Commission) open a case kasi maraming farmers ang nagrereklamo sobrang baba ng farm gate price. 2019 pinakamababa ang presyo ng onion sa Pilipinas sa buong ASEAN. Pagdating naman ng 2022 it’s the complete opposite ang presyo naman dito sa Pilipinas highest hindi lang ata sa ASEAN kundi sa buong mundo,” sabi ni Quimbo.

Ang ikatlo umanong misteryo ay ang biglang paglaho ng suplay ng sibuyas sa kalagitnaan ng 2022.

Ayon kay Quimbo noong Agosto 2022 ay nagsagawa ng assessment ang DA at kanilang nakita na mayroong sapat na suplay.

“(But) The following month, 30-days palang ang nakakaraan walang-wala na tayong suplay at nag-skyrocket ang presyo ng onion. Anong nangyari?” tanong ng lady solon.

Sinabi ni Panganiban na ang assessment ay batay sa konsultasyon ng ahensya sa mga magsasaka.

Ipinunto rin ni Quimbo na nakapagtataka na magpapasok ang mga smuggler ng sibuyas sa bansa gayong wala namang kakapusan sa suplay.

Sumunod na tanong ni Quimbo ay kung naniniwala si Panganiban na mayroong kartel sa industriya ng sibuyas.

Sagot ng opisyal, “Meron pong nagkokontrol nga po hindi ko po alam kung yun ang tawag dun madam.” (Billy Begas)

The post Misteryo ng sibuyas tinalakay ng House panel first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT