Tuturuan ng leksyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang barangay captain na nanuntok ng MMDA personnel sa isang clearing operations sa Dagupan extension, Tondo, Manila.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na hindi lang kasong kriminal ang isinampa nila laban kay Barangay 51 Captain Rommel Bravo kundi kasong administratibo rin para huwag pamarisan.

Nakipagugnayan na aniya ang MMDA kay Secretary Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government  (DILG) para sa kasong administratibo na isinampa laban sa barangay captain dahil sa panununtok kay Mark Anthony Medios .

“Ipu-pursue po namin iyong kaso,  both administratively and criminally, para po maturuan ng leksiyon iyon pong mga nananakit ng ating enforcers and clearing teams na ginagampanan lang naman po iyong kanilang mga trabaho,” saad ni Artes.

Inatasan na aniya nito ang kaniyang mga tauhan na panatilihin ang mahabang pasensya at huwag patulan ang mga mamamayan na pumapalag sa kanilang clearing operations.

Pero kapag bayolente na aniya ang mga nasasagasaan sa clearing operations sa mga sagabal sa lansangan ay tatawag na ng pulis upang arestuhin o sawayin ang mga ito.

“Nagbibilin po tayo sa ating mga tauhan to exercise maximum tolerance at huwag na pong lalaban kung talaga pong bayolente na   iyong ating mga kababayan ay nagre-require po tayo ng presence ng pulis, para sila  po iyong mag-apprehend or pacify ng mga medyo bayolente na naapektuhan nitong ating clearing operations,” dagdag ni Artes.

Ang barangay captain na si Bravo ay na-inquest na sa piskalya ng Manila dahil sa kasong  direct assault. (Aileen Taliping)

The post MMDA tutuluyan ang barangay captain na nanuntok ng isang MMDA personnel first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT