Ang synergy o pinagsamang aksyon ng mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang tugunan ang problema sa unemployment sa bansa ay lilikha ng hindi bababa sa 1.7 milyong trabaho taun-taon, ayon kay Senate Majority Floor Leader Joel Villanueva.

Kasabay nito, nanawagan siya para sa pag-apruba ng kanyang Senate Bill No. 129 o ang “Trabaho Para sa Lahat ng Pilipino Act,” na nagtatatag ng National Employment Action Plan (NEAP) upang itakda ang direksyon para sa paglikha ng trabaho.

“Nasa harapan natin ang solusyon, at magsisimula ito sa iisang daan ng gobyerno at pribadong sektor sa pagtugon sa unemployment at pagbubuo ng mga plano para makapagbigay ng disenteng pagkukunan ng kabuhayan para sa ating mga mamamayan,” ani Villanueva.

“Umaasa kami na sa pamamagitan ng pagtatatag ng framework para sa ating National Employment Action Plan, at sa tulong ng ating mga katrabaho sa gobyerno at mga katuwang natin sa pribadong sektor, makakalikha tayo ng hindi bababa sa 1.7 milyong trabaho taun-taon,” dagdag niya.

Sabi pa ng dating Technical Education and Skills Development Authority chief na ang pagtatatag ng NEAP ay makatutulong sa “pag-navigate sa pabago-bagong labor market para sa kapakanan ng manggagawang Pilipino.”

Ayon pa sa senador, ang paunang resulta ng November 2022 Labor Force Survey na nagpapakita ng unemployment rate sa 2.18 milyon, at tuluyang pagbaba nito mula noong Agosto 2022, ay isang positibong development.

Gayunpaman, sinabi niya na ang pagtaas sa bilang ng mga underemployed sa 7.16 milyon, mula sa 6.67 milyon noong Oktubre, ay nananatiling nakababahala.

“Ang layunin natin ay hindi lang pansamantalang trabaho, kundi dekalidad at disenteng trabaho na makakatulong sa gastusin ng kanilang mga pamilya,” ani Villanueva. (Dindo Matining)

The post Nat’l employment plan lilikha ng 1.7M trabaho kada taon – Villanueva first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT