Umusad na ang panukala na magtatayo mga Muslim cemetery sa mga siyudad at munisipalidad na mayroong malaking populasyon ng Muslim.

Pinagtibay ng House Committee on Muslim Affairs ang substitute bill na binalangkas mula sa House Bill 2587 na akda nina Lanao del Sur Representatives Zia Alonto Adiong at Yasser Balindong at House Bill 3755 na akda ni Basilan Rep. Mujiv Hataman.

Ayon kay Committee chairperson at Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo muling tatalakayin ang substitute bill sa face-to-face meeting na ipatatawag ng komite sa hinaharap.

Sa pagdinig, nag-mosyon si Hataman na tanggapin ang substitute bill. Walang tumutol dito.

Sa HB 3755, sinabi ni Hataman na maraming Muslim ang nahihirapan na sumunod sa kanilang tradisyon para sa mga patay dahil walang malapit na libingan.

Sa tradisyon ng mga Muslim ang isang patay ay dapat na ilibing sa loob ng 24 oras pagkamatay. (Billy Begas)

The post Panukalang pagtatayo ng mga Muslim cemetery umusad first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT