Dumating na sa Switzerland si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang delegasyon nito para dumalo sa World Economic Forum sa Davos.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), lumapag ang Flight PR001 sa Zurich-Kloten International Airport dakong 4:27 p.m., Zurich time (11:27 p.m., Philippine time).

Inaasahang aktibong makikilahok ang Pangulo sa mga nakalinyang pagpupulong  kasama ang world leaders at chief executive officers na kalahok sa pandaigdigang forum.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang departure speech na makikipagpalitan siya ng pananaw sa mga mahahalagang isyu na kinakaharap ngayon ng buong mundo lalo na kung paano makabangon mula sa idinulot na epekto ng COVID-19 pandemic.

Nakatakda ring makipagkita si Pangulong Marcos sa Filipino community para kumustahin ang mga ito at ibalita ang mga ginagawa ng kanyang gobyerno para sa mga mamamayan.

Ang pagdalo ng Pangulo sa WEF  ay mula sa imbitasyon ni  Prof. Klaus Schwab, ang  founder at Chairmain  Emeritus ng pandaigdigang pulong. (Aileen Taliping)

The post PBBM at delegasyon dumating na sa Switzerland  first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT