Nakatakdang bumiyahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Martes para sa tatlong araw na state visit sa China.
Ang pagbisita ng Pangulo sa China ay bilang tugon sa imbitasyon sa kanya ni Chinese President Xi Jinping kung saan ito ang magiging pangalawang face-to-face nila ng Chinese President.
Inaasahang mapapaigting pa ng state visit ni Pangulong Marcos Jr. ang relasyong bilateral ng dalawang bansa at mapalakas ang lumalagong kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, inaasahang mapapag-usapan din sa state visit ng Pangulo ang security issues sa West Philippine Sea.
Tiniyak naman ng mga opisyal ng DFA na mayroon ng “bubble arrangement” sa delegasyon ng Pangulo upang makasiguro ng kaligtasan sa posibleng exposure sa COVID-19 habang nasa China dahil sa tumataas na kaso ng kontaminasyon sa nabanggit na bansa.
Kabilang sa delegasyon ng Pangulo sa China ay sina First Lady Louise Araneta-Marcos, dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, House Speaker Martin Romualdez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Finance Secretary Benjamin Diokno, Trade Secretary Alfredo Pascual, Tourism Secretary Christina Frasco, Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy at iba pang miyembro ng gabinete. (Aileen Taliping)
The post PBBM biyahe China, makikipagkita kay Xi Jinping first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento