Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa pensyon ng mga retiradong sundalo para sa unang quarter ng 2023.

Ayon sa DBM, pinirmahan na ni DBM secretary Amenah Pangandaman nitong Enero 12 ang Special Release Order (SARO) ng Department of National Defense- Armed Forces of the Philippines na nagkakahalaga ng P14,025,351,666 para sa regular pension requirements ng mga retiradong sundalo.

Sinabi ni Pangandaman na ang agarang pagpapalabas sa pondo para sa mga retirado ay inisyatiba ng gobyerno bilang pagkilala sa serbisyong ibinigay ng mga ito sa bansa.

Responsibilidad aniya ng gobyerno na masigurong naibibigay ang benepisyong naaangkop sa mga retiradong sundalo para sa pamilya ng mga ito bilang pagtanaw ng utang na loob at respeto sa mga ito.

“Malaking tulong yan sa kanila. Matagal na panahon silang nagsilbi para tulungan at protektahan ang ating bayan. This is the least we can do to show them our sincerest gratitude and respect,” saad ni Pangandaman.

Batay sa payroll records ng AFP, mayroong 137,649 pensioners na makikinabang sa pondo para sa unang quarter ng 2023. (Aileen Taliping)

The post Pondo para sa pensyon ng AFP retirees inilabas na ng DBM first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT