Pinabayaan at matagal na umanong problema ang sistema sa paliparan pero hindi inasikaso ng mga nakalipas na administrasyon.
Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary at dating Senate President Juan Ponce Enrile sa harap ng kinakaharap na problema ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa naganap na technical glitch noong January 1,2023 na nagresulta sa pagkaparalisa ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa loob ng mahigit anim na oras.
Ayon kay Enrile, hindi dapat isisi sa kasalukuyang administrasyon ang nangyaring aberya noong bagong taon dahil matagal na aniya itong problema ng mga nagdaang administrasyon.
Ang pera aniya na dapat gagamitin sa pagbili ng mga bagong kagamitan ng CAAP ay ginamit sa ibang bagay kaya nangyari ang aberya.
“Matagal ng sakit gobyerno ang sistema natin ngayon. Hindi nangyari yan sa anim na buwan na panahon ng administrasyon ni PBBM. Nangyari yan sa ilang dministrasyon na nakalipas, pinabayaan nila at yung dapat gastusin niyan napunta sa mga PDAF, yung DAF at iba pa,” ani Enrile.
Kung saan-saang programa aniya ginamit ng mga nagdaang administrasyon ang pondo ng gobyerno pero hindi naisama sa prayoridad ang pangangailangang imodernisa ang mga kagamitan sa airport.
“Ngayon pag tiningnan mo ang ating bansa ang daming lump sum. May pera pero bulok yung sistema at yung pera na dapat gamitin doon napupunta kung saan-saan, TUPAD at iba pa. Pag tiningnan mo ang resulta nung TUPAD o mga ibang lumpsum on the ground wala kang makikita,” dagdag ni Enrile.
Iginiit ng kalihim na dapat lamang na imodernisa ang mga kagamitan ng CAAP para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero ng mga eroplanong dumarating at umaalis sa bansa.
“Dapat lang na imodernize yung ating equipments for the take-off and landing of international flights sa ating bansa at ganondin sa domestic flights sapagkat nakakatakot yan kapag nagkaroon ng aberya yung system natin. Serious negligence of the government not to attend to such a system,” wika ni Enrile. (Aileen Taliping)
The post Problema sa CAAP huwag isisi sa Marcos administration, dati ng problema yan! – JPE first appeared on Abante TNT.
Source: Abante TNT
0 Mga Komento