Bukod sa pagpatay sa sunog, dapat ay mayroon umanong alam ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa first aid at emergency first response.

Kaya inendorso ng House Committee on Public Order and Safety sa plenaryo ng Kamara ang pag-apruba ng House Bill 6512 upang maging requirement sa mga tauhan ng BFP ang pagiging certified medical first responders at emergency medical technicians.

Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng istasyon ng bumbero ay dapat mayroong nakatalagang BFP uniformed personnel na certified emergency medical technician kada shift at siyang mangunguna sa mga rerespondihang medical emergency.

Ang mga BFP emergency medical technician ay mga trained at certified pre-hospital emergency care provider na kayang magbigay ng pre-hospital care, endotracheal intubations at cardiopulmonary resuscitation, at may kakayanan na magbigay ng gamot sa pamamagitan ng intravenous at gumamit ng automated external defibrillator at iba pang complex emergency medical equipment.

Ang mga bagong Fire Officer (FO1) ay dapat sumailalim at magtapos ng Fire Basic Recruit Course, kung saan nakapaloob ang advanced first aid at emergency first response.

Ang training program ay bubuohin ng BFP sa tulong ng Department of Health, Technical Education and Skills Development Authority at Local Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ang mga tauhan ng BFP na nasa serbisyo na ay bibigyan ng limang taon para makuha ng requirement. Ang mga nasa serbisyo ng mahigit sa 15 taon ay exempted na sa requirement. (Billy Begas)

The post Tauhan ng BFP, dapat certified medical first responder din – House panel first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT