Nagbigay ng update ang TikToker na si Dr. Krizzle Luna o mas kilala bilang si “Doc Luna” tungkol sa kanyang kondisyon.

Matatandaang naaksidente si Doc Luna kamakailan matapos mawalan ng preno ang kasalubong nilang sasakyan at lubhang tinamaan ang parte ng kanyang leeg, na bahagi ng kanyang spine o “C6 vertebrae”.

Hindi raw niya maigalaw ang kanyang katawan ngunit nagagalaw naman umano niya kahit papaano ang kanyang kamay.

Sa isang video sa Facebook nitong January 24, 2023, kahit hirap pa sa pagsasalita ay sinabi ni Doc Luna ang magandang balita na successful ang pag-opera sa kanya.

“Update po kay Doc Luna, una po sa lahat, pasensya na kasi hindi po ako nakapag-update nitong mga nakaraang dalawang araw.

“Magandang balita naman po, naging successful po ‘yung operasyon ni Doc Luna. Na-align naman po ‘yung aking spine. Mahaba-habang rehab pa po. Hindi ko pa po masyadong nagi-grip ‘yung kamay ko at wala pa pong motor function, hindi ko pa po nagagalaw ‘yung paa ko.

“Pero so far, malaki naman po ‘yung improvement natin,” ani Doc Luna.

Nagpasalamat siya sa mga nagdasal para sa kanyang kagalingan at sa lahat ng health care team na tumulong sa kanya.

“Gusto ko pong magpasalamat sa mga prayer warriors, sa buong health care team po na tumulong sa akin. Sa lahat ng doctor ko, nurses, at lahat ng bumubuo ng health care team na tumulong sa akin, maraming-maraming salamat po.

“Hindi ko na po kayo maisa-isa pero maraming-maraming salamat po sa inyong lahat,” saad pa ni Doc Luna.

Samantala, nasimulan na rin daw niya ang kanyang rehab.

“The earlier kasi the better para mapaaga ‘yung improvement natin,” aniya.

Nagpaalala naman siya sa mga supporter na mag-ingat sa mga scammer na ginagamit ang pangalan niya.

“Gusto ko lang po ipaalala sa lahat po ng nanonood ng video na ito na kung may manghihingi man po ng pinansiyal na tulong sa inyo, hindi po ako ‘yon.

“Ang hinihiling lang po ni Doc Luna ay ang inyong mga dasal kaya kung may manghihingi man ng pinansiyal hindi po ako ‘yon, hindi po si Doc Luna ‘yon,” dagdag niya. (IS)

The post TikTok star Doc Luna tagumpay ang operasyon first appeared on Abante TNT.


Source: Abante TNT